Archives‎ > ‎Latest News‎ > ‎

Tortugas ES, Level I na!

posted Jul 27, 2011, 1:10 AM by Mary Grace dela Cruz   [ updated Jan 22, 2016, 8:29 PM ]
Iginawad sa Paaralang Elementarya ng Tortugas ang award bilang level 1 accredited school ng Accreditation Program for Public Elementary School (APPES)  nitong Hulyo 22 na ginanap sa Conference Hall ng DepEd Regional Office sa Angeles, Pampanga.

Ang accreditation na noon ay sa mga kolehiyo lamang ibinibigay ay iginagawad na rin ngayon sa mga paaralan sa elementarya na nagpapamalas ng kahusayan at dedikasyon tungo sa pag-abot ng "quality education." Ang pagiging accredited ay nangangahulugan na ang isang paaralan kasama ang punongguro, mga guro, mga mag-aaral at maging ang buong komunidad ay nagpapamalas ng magandang performance na nakapagbibigay sa kanila ng isang dekalidad na edukasyon. Matatandaan na noong nakaraang taon ay dumagsa sa Tortugas ang mga regional evaluators ng SBM at APPES na siyang kumikilatis sa mga paaralan kung papasa o hindi sa nasabing level ng accreditation. Ilan sa mga binusisi ay ang physical facilities, curriculum and instruction, teachers' performance, pupils' performance, school head's performance at maging ang mga external stakeholders na tumutulong sa paaralan. Pumasa sa qualifications ng bawat component ang Tortugas kung kaya't isa ito sa ginawaran ng parangal sa apat na paaralang pinarangalan sa Lungsod ng Balanga. Kabilang sa ilang paaralan na nabigyan din ng award ay ang malalaking paaralan sa Lungsod ng Balanga na Balanga Elementary School, Cupang Elementary School at Cataning Elementary School. Ang Balanga City rin ang ang may pinakamataas na bilang ng paaralan na nakakuha ng award sa Region III sapagkat apat ang nabigyan nito kumpara sa 1 o 2 lamang mula sa ibang dibisyon.
Dumalo sa nasabing parangal ang mga punongguro ng apat na paaralan na  tumanggap ng parangal na sina Gng. Jennifer G. De Guzman, Tortugas ES; Gng. Merlinda Tablan, Balanga ES; Gng. Teresita Dilig, Cupang ES at Gng. Amelia Inieto, Cataning ES; kasama ang iba pang mga punongguro sa District I at II ng Balanga. Kasama rin sa awarding ang Assistant Schools Division Superintendent ng Balanga City na si Sir Jessie D. Ferrer, Assistant to the Office of ASDS, Dr. Leonardo Zapanta, Dr. Felicisima R. Oria, EPS I English, at Mrs. Jeanette Andales, PSDS District II.
Comments